Sunday, June 24, 2012

Reflections from a Cousin: 20th June 2012

Dumadating ako dito sa tabing dagat ng Lingayen matapos maglakad ng apatnapung-limang minuto. Lalabas ako ng bahay ng alas kwatro y media ng madaling araw para maabutan ko ang sunrise, pati na rin ang paghahakot ng mga mangingisda ng kanilang mga huli.

Nakakamanghang masdan ang pursigido at masisipag na mga locals (na kinabibilangan ng mga kalalakihan edad sampu hanggang kwarenta). Ihahantad ang kanilang lambat na halos isa hanggang isa't kalahating metro sa pampang. May mga tauhan sila sa bawat hangganan ng lambat at unti unting hinahakot ang kanilang mga huli sa pamamagitan ng paghila ng magkabilang dulo ng lambat.

Kadalasan, tanging maliliit na isda lamang ang nakukuha nila. Bukod sa pusit na tuwing matapos ng malaking ulan lamang o low tide makikita at ang mga sapsap at matang baka na mas pamilyar sa akin, napansin ko din na mas marami pang jelly fish at puffer fish ang kanilang nahuhuli sa kadahilanang hindi na ganoon kalinis ang dagat na ito kumpara noon. Ang mga maliliit na isda o fingerlings na buhay pa ay hindi na naibabalik sa dagat. Iniipon nila ang mga maliliit na isda at tinatabunan na lamang ng buhangin para hindi na langawin.

Nakakalungkot isipin na hindi na nabigyan ng pagkakataon ang mga isdang ito na lumaki at makain sana sa hapagkainan. Yung mga medium-size na isda naman ay inuuwi na lamang ng mga mangigisda upang maluto sa tanghalian. Yung mas malalaki at kadalasan ay hindi pa ganoon kadami ay tinitinda sa mga dayo o sa mga locals din sa presyong kadalasan ay nakikita ko sa palengke. Samantala bubungad din sa mga nagpupunta sa dagat ang mga basurang pinagkainan tulad ng plastic ng mga tsitsirya at bote ng alak na madalas ay makikitang tanawin sa pampang.

Kahit naman na magmarakulyo ako sa aking natatanaw araw araw dito sa dalampasigan ay mas kumakalma at napapanatag ang aking pag-iisip sa ganda ng dagat at ng kalangitan at madalas mga kalahating oras akong tititig sa kanila. Minsan ay matapos maglakad-takbo sa Capitol Grounds ay didiretso ako ng lakad sa baybayin. Nakakatuwa pa ring pagmasdan ang mga bata na tuwang tuwa ding nagyayapak sa dagat, tinatabunan ang isang kapatid sa buhanginan at mga lovers na nagmomoment sa dalampasigan. Pati na rin ang pagbabago ng kulay ng kalangitan o kahit yung porma man lamang ng mga ulap ay nakabibighani na lalo yung silhouette ng bundok na hindi nakikita yung kakalbuhan nito dahil sa natatago ng ulap.

Ito pa rin ang matatawag kong 'secret paradise', at maswerte ako.

Notes:
This isn't my work, but a cousin's. She posted it on her Facebook wall and I thought I'd save it for posterity's sake (with minimal edits). It's quite a beautiful piece of personal reflection, and I felt it would be such a waste to see it buried under posts about memes and pointless drivel. To the English-speaking folks who read my blog, let me know if you guys want a translation.

No comments:

Post a Comment